May mga araw na parang nagkakaugnay-ugnay ang lahat. Naranasan ko ito kamakailan lang. Noong araw na iyon, bago simulan ng aming pastor ang pangangaral tungkol sa Genesis 1, nagpakita muna siya ng mga larawan ng napakagagandang bulaklak. Pagkauwi ko naman sa bahay, puro larawan din ng mga bulaklak ang nakita ko habang nag-i-internet. At nang naglakad-lakad naman ako sa kakahuyan, iba’t ibang bulaklak din ang nakita ko.
Nilikha ng Dios sa ikatlong araw ng paglikha ang mga bulaklak at ang lahat ng mga halaman. Dalawang beses na sinabi ng Dios noong araw na iyon na “ito’y mabuti” (GENESIS 1:10,12). Sinabi Niya rin ito ng dalawang beses sa ikaanim na araw ng paglikha (TAL. 25, 31). Noong araw ngang iyon, nang matapos likhain ng Dios ang tao at kumpleto na ang dapat Niyang likhain, tiningnan Niya ang lahat ng mga nilikha Niya at sinabing, “ito ay napakabuti” (TAL. 31).
Sa kuwento ng paglikha, makikita natin na nasiyahan ang Dios sa lahat ng Kanyang nilikha. Nasiyahan rin Siya marahil sa mismong paglilikha. Makikita natin ito sa kung paano Niya dinesenyo ang mundo na may sari-saring uri at kulay. At sa bandang huli, nilikha Niya ang pinakamaganda sa lahat ng nilikha, tayong mga tao na nilikha ayon sa Kanyang wangis (TAL. 27).
Bilang mga nilikha ayon sa wangis ng Dios, pinagpapala at namamangha tayo sa pamamagitan ng iba pa Niyang mga likha.