Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Dios at hindi kailangan ng anumang hakbang para rito. Gayon pa man, minsan kailangan nating gumamit ng iba’t ibang paraan para mas maging masigla ang ating pananalangin. Natutunan ko kamakailan lang ang paraan na tinatawag na ‘Limang Daliring Pananalangin’ bilang gabay sa pananalangin para sa ibang tao.
Ganito ang paraan: Una, dahil ang hinlalaki ang pinakamalapit sa iyo, simulan mong ipanalangin ang mga taong malalapit sa iyo, ang mga mahal mo sa buhay (FILIPOS 1:3-5). Ikalawa, dahil ang kasunod ay ang hintuturo, ipanalangin mo ang mga tagapagturo ng Biblia tulad ng mga mangangaral (1 TESALONICA 5:25). Ikatlo, ang hinlalato naman o ang pinakamataas na daliri ang magpapaaala na ang susunod mong ipapanalangin ay ang mga may katungkulan – ang mga lokal at pambansang namumuno ng bansa, ang namumuno sa iyong trabaho, atbp. (1 TIMOTEO 2:1-2).
Ikaapat, ang palasingsingingan o ang kadalasan na pinakamahinang daliri ang magpapaalala na susunod mong ipapanalangin, ang mga taong dumaranas ng hirap (SANTIAGO 5:13-16). At panghuli, ang pinakamaliit na daliri ang magpapaalala sa’yo kung gaano ka kaliit kung ikukumpara sa kadakilaan ng Dios. Hilingin mo sa pagkakataong ito na ipagkaloob Niya ang iyong mga pangangailangan (FILIPOS 4:6, 19).
Anumang paraan ang gagamitin mo, magpatuloy ka lang sa pananalangin. Nais Niya na marinig kung ano ang nilalaman ng iyong puso.