Maraming obra ang hindi natapos ng sikat na iskultor at pintor na si Michaelangelo nang siya ay mamatay. Pero mayroon siyang apat na obra na inukit sa marmol na sinadya niya talagang hindi tapusin. Ito ay ang ‘Bearded Slave,’ ‘Atlas Slave,’ ‘Awakening Slave’ at ang ‘Young Slave.’ Nais ipakita ni Michaelangelo sa pamamagitan ng kanyang mga inukit kung ano ang pakiramdam ng maging habang buhay na bihag.
Sinadya ni Michaelangelo na hindi sila lubusang tapyasin sa marmol na pinaguukitan nito upang ipakita na hindi nila kayang palayain ang sarili nila mula sa marmol.
Nais ko silang damayan sa kanilang pagkakabihag. Tulad din kasi ito ng kalagayan ko pagdating sa aking mga kasalanan. Hindi ko rin kayang palayain ang aking sarili mula sa pagkakabihag sa kasalanan, “binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan” (ROMA 7:23 MBB).
Kahit gawin ko pa lahat ang aking makakaya, hindi ko pa rin kayang baguhin ang aking sarili. Pero salamat sa Dios, hindi tayo mananatili sa ganoong kalagayan. Hindi nga tayo lubos na makukumpleto hangga’t wala pa tayo sa langit, pero sa ngayon, makikita natin ang pagbabagong ginagawa ng Banal na Espiritu simula nang tayo’y sumampalataya kay Jesus. Ipinangako ng Dios na tatapusin Niya ang mabuting gawang Kanyang sinimulan sa atin (FILIPOS 1:6).