Napansin ng aking kaibigan ang isang babae na naglalakad sa tabi ng kalsada. Inalok niya itong sumakay na sa kanyang sasakyan. Naawa siya nang malaman na wala na palang pera ang babae kaya naglalakad na lamang ito papasok sa kanyang trabaho. Napakainit pa naman noon at malayulayo ang kailangan niyang lakarin.
Ang pagpapasakay ng kaibigan ko sa babae ay isang halimbawa ng pagsasabuhay sa sinasabi ni Santiago sa mga kapwa niya sumasampalataya kay Jesus. Kailangan daw makita ang pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa. Sabi niya, “patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa” (SANTIAGO 2:17 MBB).
Nais niya na magkaroon ng malasakit ang mga mananampalataya sa mga biyuda at ulila (SANTIAGO 1:27). Nais rin niya na hindi lang sa pagsasalita makikita ang kanilang pananampalataya, sa halip, samahan ito ng mga gawa na may pag-ibig.
Naligtas tayo sa kaparusahan ng kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus at hindi sa mga mabubuting gawa. Pero dapat nating isapamuhay ang ating pananampalataya tulad ng pagpapakita ng pagmamahal at ng pagtulong sa kanila kapag sila’y nangangailangan. Gaya ng ginawa ng aking kaibigan, nawa’y lagi tayong handang tumulong sa mga nangangailangan.