Nagpasya akong lumipat ng kuwarto kamakailan lang. Hindi naging madali ang paglipat ko. Ayaw ko na kasing dalhin pa ang mga gamit na hindi ko na kailangan dahil magiging kalat lang ito sa bago kong kuwarto. Inalis ko ang mga ito sa luma kong kuwarto para ipamigay at itapon. Tumagal man ako sa paglilinis at pag-aalis ng mga gamit, sulit naman dahil naging mas maayos at malinis ang kuwartong lilipatan ko.
Sa ginawa kong iyon, naisip ko ang sinasabi sa 1 Pedro 2:1 na dapat ko ring alisin o talikuran ang lahat ng uri ng kasamaan. Mapapansin naman natin na hinikayat ni Pedro ang mga sumasampalataya kay Jesus na talikuran ang kasamaan (1 PEDRO 1:13-2:3) matapos nilang sumampalataya (1:1-12).
Ibig sabihin, kahit na minsa’y parang isang makalat na kuwarto ang buhay ng isang mananampalataya dahil sa kanyang mga kasalanan, hindi ito dahilan para bawiin sa kanya ang kaligtasang natanggap na niya. Tatalikuran ng isang mananampalataya ang kasamaan hindi para maligtas kundi dahil ligtas na siya (1:23).
Hindi madaling talikuran ang mga nakagawian na. Kaya sa bawat araw, kailangan nating alisin ang lahat ng tila kalat sa ating puso na humahadlang para lubusan nating mahalin ang ating kapwa (1:22) at para lumago kay Cristo (2:2). Sa malinis nating puso, mararanasan natin ang maayos na buhay (TAL. 5) sa pamamagitan ng kapangyarihan at buhay ni Cristo Jesus.