Napabuntong hininga si Nancy nang makita ang halamanan ng kanyang kaibigan. Puno ito ng mga magagandang bulaklak. Sinabi niya, “Gusto ko ng gano’n pero sana, basta na lang tutubo ang mga bulaklak nang hindi ko pinaghihirapan.”
Minsan, praktikal na gawin ang mga bagay sa mas madaling paraan. Pero kadalasan, hindi iyon makakabuti lalo na sa mga importanteng bagay sa ating buhay. Gusto nating maging matagumpay sa lahat ng aspeto sa mas madaling paraan na hindi iniisip ang mga kaakibat nitong respon- sibilidad. Sa pagnanais naman natin na malugod ang Dios, minsan sumusunod lang tayo hangga't hindi tayo nahihirapan.
Nilinaw naman ni Jesus sa mga nagtitiwala sa Kanya na hindi madali ang pagsunod sa Kanya. Sinabi Niya, "Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Dios" (LUCAS 9:62 mbb). Ibig sabihin, ang pagsunod sa Dios ay nangangailangan ng lubos na pagsuko sa Kanya.
Sa oras na manampalataya tayo kay Jesus, doon pa lang magsisimula ang mga dapat nating gawin. Kahit maraming dapat isakripisyo sa pagsunod kay Jesus, sulit naman dahil nangako Siya na tatanggap tayo sa buhay na ito ng mas higit pa sa mga isinakripisyo natin. At sa panahong darating, magtatamo tayo ng buhay na walang hanggan (MARCOS 10:29-30). Mahirap ang sumunod kay Jesus pero ibibigay Niya sa atin ang Banal na Espiritu para tulungan tayo.