Habang ginagawa ko ang aking trabaho bilang manunulat, pumasok sa isip ko ang naging pagtatalo namin ng asawa ko. Nasabi ko, “Panginoon, mali rin ang asawa ko.” Apektado tuloy ang trabaho ko.
Kung nakahadlang sa aking trabaho ang hindi ko pagtanggap sa aking pagkakamali, mas lalo itong nakaapekto sa relasyon naming mag-asawa at sa relasyon ko sa Dios.
Tumawag na ako sa aking asawa para humingi ng tawad. Humingi rin siya ng tawad sa akin. Lubos akong nagpasalamat sa Dios dahil nagkasundo na kami ng asawa ko at natapos ko rin sa takdang oras ang isinusulat ko.
Naranasan din ng mga Israelita ang hirap dahil sa kanilang kasalanan at ang tuwa na dulot ng pagkakasundo. Binalaan noon ni Josue ang mga Israelita na huwag kukuha ng anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon (JOSUE 6:18). Pero sinuway ito ni Acan, kumuha siya nito at itinago niya (7:1). Dahil dito, nagalit nang matindi ang Dios sa mga Israelita at hinayaan silang matalo sa labanan. Nagkasundo lamang sila nang mahayag ang kasalanan ni Acan.
Tulad ni Acan, maaaring hindi natin iniisip ang epekto ng ating kasalanan sa ibang tao lalo na sa ating relasyon sa Dios. Ang pagkilala kay Jesus bilang ating Panginoon, ang pag-amin sa ating kasalanan at paghingi ng tawad ay mahalagang pundasyon sa ating relasyon sa Dios at sa ibang tao.