Ayon kay Dra. Barbara Howard, isa sa malaking dahilan ng away-magkapatid ay ang pagkakaroon ng paborito ng mga magulang. Isang halimbawa rito ay ang kuwento ni Jose sa Lumang Tipan. Paborito si Jose ng kanyang ama na naging dahilan para magalit ang kanyang mga kapatid sa kanya (GENESIS 37:3-4). Kaya, ipinagbili nila si Jose para maging alipin sa Egipto at pinalabas nila na pinatay siya ng mabangis na hayop (37:12-36). Gumuho ang mga pangarap ni Jose at parang wala ng magandang mangyayari sa buhay niya.
Gayon pa man, pinili ni Jose na manatiling tapat sa Dios. Sa Dios lamang siya umasa kahit na lalong naging masama ang kanyang sitwasyon. Nakulong siya nang pagbintangan siya ng asawa ng kanyang amo sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Pero sa kabila nito, patuloy siyang nagtiwala sa Dios.
Pagkaraan ng ilang taon, nagpunta sa Egipto ang mga kapatid niya para bumili ng pagkain. Natakot sila nang malamang si Jose ay may mataas na posisyon sa Egipto. Pero sinabi ni Jose sa kanila, “huwag kayong mag-alala at huwag ninyong sisihin ang sarili nʼyo dahil ipinagbili nʼyo ako rito…ang Dios ang siyang nagsugo sa akin dito para iligtas ang buhay ninyo…hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios” (GENESIS 45:5,8 ASD).
Napaisip ako sa sinabing iyon ni Jose. Kung mahaharap ako sa ganoong sitwasyon, maghihiganti ba ako o magpapatawad dahil may tiwala ako sa Dios?