Isang babae ang kumuha ng upuan at lumuhod sa tapat nito. Umiiyak niyang sinabi, “Panginoong Dios, inaanyayahan ko po kayong umupo rito.
Nais ko po kayong kausapin.” Nanalangin siya habang tinitingnan ang upuan. Iniisip ng babae na nakaupo mismo ang Dios sa upuang iyon at malakas ang paniniwala niyang nakikinig ang Dios sa kanyang panalangin.
Mahalaga ang paglalaan ng oras sa pakikipag-usap sa Dios. Kung tayo’y lalapit sa Dios, lalapit din Siya sa atin (SANTIAGO 4:8). Tiniyak Niya sa atin, na lagi natin Siyang kasama hanggang sa katapusan ng panahon (MATEO 28:20). Laging naghihintay ang Dios na lumapit tayo sa Kanya at lagi rin Siyang handang makinig sa atin.
May mga pagkakataon naman na nahihirapan tayong manalangin dahil sa pagod tayo, inaantok, may sakit o nanghihina. Gayon pa man, dinadamayan tayo ni Jesus sa tuwing nanghihina tayo o humaharap sa tukso (HEBREO 4:15). Dahil doon, “huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Dios upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan” (TAL. 16 MBB).