Sa panahon ngayon, nakikipag-usap tayo sa pamamagitan ng teknolohiya pero wala pa ring makahihigit sa pakikipag-usap nang harapan. Mas malalaman kasi ang nararamdaman ng isang tao sa tuwing nakikita natin ang ekspresyon sa kanilang mukha. Mas nasisiyahan tayo kapag nakakausap natin nang harapan ang ating mahal sa buhay tulad ng kapamilya o kaibigan.
Mababasa natin sa Biblia ang ganitong paraan ng pakikipag-usap ng Dios kay Moises. Siya ang pinili ng Dios para maging pinuno ng mga Israelita. Habang patuloy na sumusunod si Moises sa Dios, lalong tumibay ang pakikipagugnayan ni Moises sa Kanya sa kabila ng pagrerebelde ng mga Israelita. Nang sumamba ang mga Israelita sa gintong guya sa halip na sa Dios (EXODO 32), nagtayo si Moises ng toldang tipanan sa labas ng kampo para katagpuin ang Dios. Samantalang maaari lamang manood sa malayo ang mga Israelita (33:7-11). Habang bumababa ang makapal na ulap sa pintuan ng tolda na nagpapatunay na naroon ang Dios, kinausap ni Moises ang Dios nang harapan alang-alang sa mga Israelita upang mapawi ang galit ng Dios sa kanila. Ipinangako naman ng Dios na sasamahan Niya sila (TAL. 14).
Dahil naman sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus, hindi na natin kailangan ng taong makikipag-usap sa Dios para sa atin. Sa pamamagitan ni Jesus, magiging kaibigan tayo ng Dios tulad ng pakikipagkaibigan ni Jesus sa Kanyang mga alagad (JUAN 15:15). Maaari rin natin Siyang katagpuin at kakausapin Niya tayo na parang kinakausap ng isang tao ang kanyang kaibigan.