Dalawang taon akong nagtrabaho noon sa isang kainan. Nahirapan ako dahil kinailangan kong harapin ang mga nagrereklamo at humingi ng pasensya sa kanila kahit hindi naman ako ang nagkamali. Nang umalis na ako sa kainan, sinubukan kong pumasok sa isang trabaho na may kinalaman sa computer. Natanggap ako dahil maayos akong makitungo sa mga tao sa dati kong trabaho. Mas interesado kasi sila sa karanasan ko sa kainan kaysa sa mga kakayahan ko. Ang naging karanasan ko sa mahirap na sitwasyon ang naghanda sa akin para sa mas magandang trabaho.
Noong bata pa si Haring David, napagtagumpayan niya rin ang mahirap na sitwasyon. Siya lamang ang naglakas ng loob na kumalaban sa higanteng si Goliat nang hamunin nito ang mga Israelita. Nag-atubili ang kanilang haring si Saul na ipadala si David, pero sinabi ni David na bilang pastol, nagawa niyang kalabanin at patayin ang mababangis na hayop para sa kapakanan ng mga alaga niyang tupa (1 SAMUEL 17:34-36). Lakas loob na sinabi ni David, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga leon at oso ang siya ring magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong iyon” (TAL. 37).
Hindi man mataas ang tingin kay David dahil sa pagiging pastol, ito naman ang naghanda sa kanya sa paglaban niya kay Goliat at sa kalauna’y sa pagiging pinakadakilang hari ng Israel. Kahit nasa mahirap tayong sitwasyon ngayon, ginagamit iyon ng Dios para ihanda tayo sa mas magandang kalagayan.