Ang puno ng sequioa ay isa sa mga punong pinakamataas at pinakamatagal ang buhay sa buong mundo. Ang taas nito ay umaabot ng mga 91 metro at may bigat na nasa 1.1 milyong kilo at tumatagal ng mga 3,000 taon. Dahil ito sa mga malalalim at malalaking ugat na nagsisilbing pundasyon ng puno.
Napakalalim at napakalaki man ng mga ugat na sumusuporta sa puno, maliit lang ang mga ito kung ikukumpara sa lawak ng kasaysayan at mga paniniwala na nagpapatotoo o sumusuporta sa talambuhay at mga itinuro ni Jesus. Minsan, sinabi ni Jesus sa mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio na ang Biblia na pinaniniwalaan at minamahal nila ay naglalaman ng Kanyang kuwento (JUAN 5:39). Sa sinagoga naman sa Nazaret, binasa ni Jesus ang isinulat ni Isaias tungkol sa Mesiyas, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo” (LUCAS 4:21).
Nang mabuhay muli si Jesus, tinulungan Niya ang Kanyang mga alagad na maunawaan na ang mga sinabi ni Moises, ng mga propeta, at kahit ang mga awit ng mga Judio ay nagpapakita kung bakit mahalaga na Siya’y magdusa, mamatay at mabuhay mula sa mga patay (LUCAS 24:26).
Napakagandang malaman na ang buhay ni Jesus ay nakaugat sa kasaysayan at Kasulatan ng bansang Israel. Si Jesus naman ang ugat kung bakit tayo nabubuhay.