Hindi ba’t nakakatuwang makita na ginagaya ng mga bata ang kanilang magulang? Madalas na may makikita tayo na isang bata na kunwari’y may hawak na manibela at ginagaya ang kanyang ama na nagmamaneho.
Ginagawa ko rin iyon noong bata ako. Natutuwa ako kapag nagagaya ko ng husto ang aking ama. At alam kong mas natutuwa siya dahil ginagaya ko ang mga kilos niya.
Ganoon din marahil ang naramdaman ng Dios Ama nang makita Niya ang Kanyang Anak na si Jesus na ginagawa ang mga ginagawa Niya. Nagmalasakit din si Jesus sa mga naligaw ng landas, tumulong sa mga nangangailangan at nagpagaling ng mga may sakit. Sinabi ni Jesus, “Ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili Ko lang, kundi ginagawa Ko lang ang nakikita Ko na ginagawa ng Aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa Ko bilang Anak” (JUAN 5:19).
Nais ng Dios na tularan din natin Siya bilang mga sumasampalataya sa Kanya, na mamuhay nang may pag-ibig sa kapwa (EFESO 5:1-2). Nawa’y lalo tayong maging tulad ni Jesus. Sikapin nating magmahal, magpatawad at magmalasakit tulad ng Dios at mamuhay sa paraang makakapagbigay lugod sa Kanya. Isang kagalakan na tularan ang Kanyang mga ginagawa sa tulong ng Banal na Espiritu dahil alam natin na ang gantimpala ay ang matamis Niyang ngiti.