Sa isang lugar sambahan, nakaugalian nila na batiin at tanggapin ang kanilang mga bisita sa kakaibang paraan. Ipinapakita nila ang mga card na may nakasulat na, “Kung ikaw ay banal, makasalanan, talunan, matagumpay, matatakutin, pwedeng-pwede ka rito."
Madalas na pinangangatawanan na natin ang mga bansag sa atin kahit hindi naman talaga tayo gano’n. Tayo rin ay nagbibigay ng bansag sa ibang tao ayon sa tingin natin sa kanila. Pero hindi ganoon ang Dios. Tinitingnan Niya tayo ayon sa Kanyang pag-ibig at kagandahang loob, hindi sa kung ano ang tingin natin sa ating sarili o sa ibang tao. Kahit nakikita natin ang ating sarili na mabuti o masama, malakas o mahina, maaari tayong makatanggap ng buhay na walang hanggan mula sa Dios. Pinapaalalahanan ni apostol Pablo ang mga sumasampalataya kay Jesus sa Roma na “nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios” (ROMA 5:6 ASD).
Hindi hinihiling ng Dios na magbago tayo sa sarili nating kakayahan. Sa halip, nais Niyang lumapit tayo ano man ang tingin natin sa ating sarili para makasumpong ng pag-asa, kagalingan at kalayaan. “Ipinakita ng Dios sa atin ang Kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin” (TAL. 8 ASD). Handa at maluwag sa kalooban ng Dios na tanggapin tayo.