Habang nasa eroplano ako, pinagmamasdan ko ang isang ina kasama ang kanyang mga anak. Nilalambing nito ang kanyang anak na sanggol. Nasiyahan ako sa panonood sa kanila na may halong panghihinayang dahil naalala ko ang mga panahong nasa mga ganoong edad pa lang ang aking mga anak at ang mga oras na lumipas.
Pinagbulayan ko noon ang sinabi ni Haring Solomon sa aklat ng Mangangaral tungkol sa “lahat ng gawain dito sa mundo” (3:1 ASD). Binanggit niya roon na may nakatakdang panahon para sa lahat, katulad ng panahon ng pagsilang at pagkamatay, panahon ng pagtatanim at pag-ani. (TAL.1-2). Marahil, nalulungkot si Haring Solomon nang isulat niya ang mga talatang ito dahil nakikita niya ang walang kabuluhang takbo ng buhay ng tao. Pero kinilala ni Solomon ang tungkulin ng Dios sa bawat panahon, na “ang mga bagay na itoʼy regalo Niya sa atin” (TAL. 13 ASD) at “ang lahat ng ginagawa ng Dios ay magpapatuloy magpakailanman” (TAL. 14 ASD).
Maaaring alalahanin natin ang mga nakalipas na pangyayari sa ating buhay nang may halong lungkot at pagnanais na bumalik sa mga panahong iyon. Tulad ito ng naramdaman ko nang alalahanin ko ang mga anak ko noong mga bata pa sila. Kahit gano’n, alam natin na ipinangako ng Dios na sasamahan Niya tayo sa lahat ng panahon ng ating buhay (ISAIAS 41:10). Maaasahan natin na lagi nating kasama ang Dios at malalaman natin na ang ating layunin ay ang mamuhay para sa Kanya.