Sinabi ni Lauren Winner sa isinulat niyang librong, Wearing God, maipapakilala natin sa iba kung sino tayo sa pamamagitan ng ating pananamit. Kahit hindi tayo magsalita, malalaman ng iba kung ano ang ating trabaho, estado sa buhay at maging ang ating pakiramdam dahil sa mga isinusuot natin. Totoo rin ito sa ating mga sumasampalataya kay Jesus. Maaari nating maipakilala si Jesus kahit hindi tayo nagsasalita.
Ayon kay apostol Pablo, maaari nating ipakita si Jesus sa ating buhay. Sinasabi sa Roma 13:14, “Isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.” Ano ang ibig sabihin nito? Sa oras na magtiwala na tayo kay Jesus, kaisa na natin Siya. Tayo ay “mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya [ninyo] kay Cristo Jesus” (GALACIA 3:26-27 ASD). Iyon na ang ating pagkakakilanlan kaya dapat nating isuot araw araw ang mga katangian ni Jesus. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsisikap na maging tulad ni Jesus na lumalago sa kabanalan, sa pag-ibig, sa pagsunod at pagtalikod sa mga kasalanang dating umalipin sa atin.
Ang paglagong ito ay resulta ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa atin at ng pagnanais nating mapalapit kay Jesus sa pamamagitan ng pagbubulay ng Salita ng Dios, pananalangin, at pagsama sa pagtitipon ng mga mananampalataya (JUAN 14:26). Kapag nakita ng iba ang ating pag-uugali at paraan ng pananalita, ano kaya ang masasabi nila tungkol kay Jesus?