Paminsan-minsan, sinosorpresa ng kaibigan kong si Norm Cook ang kanyang pamilya pag-uwi niya galing sa trabaho. Pagpasok niya ng pinto nila, bigla siyang sisigaw, “Pinatawad na kayo!” Sinabi niya iyon hindi dahil sa may kasalanan sila sa kanya. Pinapaalalahanan lang sila ni Norm na kahit may nagawa silang kasalanan sa Dios nang araw na iyon, lubos na silang pinatawad sa pamamagitan ng kagandahang loob ng Dios.
May isinulat si apostol Juan tungkol sa kagandahang loob, “Kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Dios na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan. Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Dios ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid Siya” (1 JUAN 1:7-9 ASD).
Ang ibig sabihin ng namumuhay sa liwanag ay namumuhay ayon sa nais ng Dios. Sinabi ni Juan na sa tuwing ginagaya natin si Jesus sa tulong ng Banal na Espiritu, ito ang nagpapatunay na kaisa natin ang mga alagad ni Jesus sa pananampalataya. Pero kahit mananampalataya na tayo, may mga pagkakataon na magkakasala pa rin tayo. Gayon man, makakaasa tayo sa pagpapatawad ng Dios ayon sa Kanyang kagandahang loob.
Hindi pa rin tayo perpekto. Pero tayo ay mga pinatawad na ng Panginoong Jesus.