Nagpunta kami ng aming grupo sa Disyerto ng Negev sa timog Israel kung saan makikita ang isang modelo ng tabernakulo. Kahit na hindi talaga totoong tabernakulo ang nakita namin, kahanga-hanga pa rin ito. Malaki kasi ang pagkakatulad nito sa tunay na tabernakulo.
Noong papasok na kami sa Dakong Banal at Dakong kabanal-banalan upang makita ang kaban ng tipan, nagalinlangan ang iba sa amin na tumuloy. Ang Dakong Kabanal-banalan kasi noon ang pinakabanal na silid sa tabernakulo kung saan ang maaari lamang pumasok ay ang pinakapunong pari. Naisip tuloy namin na hindi kami basta basta pwedeng pumasok doon.
Hindi ko lubos maisip kung gaano kalaki ang takot na naramdaman ng mga Israelita sa tuwing lalapit sila noon sa tabernakulo, habang dala ang kanilang mga handog sa harap ng Dios na pinakamakapangyarihan sa lahat. Naiisip ko rin ang nararamdaman nila sa tuwing magpapadala ang Dios ng mensahe sa kanila sa pamamagitan ni Moises.
Sa panahon natin ngayon, maaari na tayong makalapit sa Dios nang may kapanatagan dahil nang mamatay si Jesus sa krus, napunit na ang tabing na naghihiwalay sa atin sa Dios (HEBREO 12:22-23). Maaari nang makausap ng bawat isa ang Dios anumang oras at malalaman natin ang nais Niya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia. Tuwiran na nating makakausap ang Dios hindi tulad ng mga Israelita noon. Isa itong malaking pribilehiyo na hindi natin dapat binabalewala.