Ikinasal ang aming mga magulang noong panahon na tinatawag na ‘Great Depression.’ Kami ng asawa ko ay kabilang sa mga ‘Baby Boomers’ at ang mga anak namin ay kabilang sa henerasyong X at Y. Dahil lumaki kami sa magkakaibang henerasyon, magkakaiba rin ang aming opinyon.
Malaki ang pagkakaiba ng bawat henerasyon sa mga karanasan sa buhay at pag-uugali. Totoo rin ito sa mga sumasampalataya kay Jesus. Pero kahit hindi tayo pare-pareho ng mga hilig, mas nananaig ang relasyon natin sa isa’t isa kaysa sa mga pagkakaiba.
Ang Awit 145 ay papuri sa Dios na nagpapahayag ng pagkakaisa natin bilang mga mananampalataya, “Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa Inyong makapangyarihang gawa…Ipamamalita nila ang katanyagan ng Inyong kabutihan, at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa Inyong katuwiran” (TAL. 4,7 ASD). Nagsasama-sama tayo para luwalhatiin ang Dios, “Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng Iyong kaharian” (TAL. 11 ASD).
Nagkakawatak-watak man tayo dahil sa ating mga pagkakaiba, ang pananampalataya naman natin kay Jesus ang siyang magbubuklod sa atin. Anuman ang ating edad o pananaw sa buhay, kailangan natin ang isa’t isa. Kahit saang henerasyon pa tayo kabilang, maaari tayong matuto sa bawat isa at maging magkakasama sa pagpupuri sa Dios “upang malaman ng lahat ang [Kanyang] dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng [Kanyang] paghahari (TAL. 12 ASD).