Nagkaroon ng isang napakalakas na lindol at tsunami noong 2011 sa bansang Japan. Nakasira ito ng 230,000 na tirahan at kumitil ng halos 19,000 na buhay. Dahil sa trahedyang iyon, binuo ang Nozomi Project. Ang nozomi ay salitang Hapon na ang ibig sabihin ay pag-asa. Layunin ng proyektong ito na tulungan ang mga biktima na makabangong muli at magkaroon ng pag-asa mula sa Dios na siyang nagkakaloob ng lahat.
Sa ilalim ng proyektong ito, gumagawa ang mga kababaihan ng mga alahas gamit ang mga nakuha nilang nabasag na kasangkapan. Naibebenta nila sa iba’t ibang bansa ang mga alahas na ito na may simbolo ng kanilang pananampalataya kay Jesus.
Nakaugalian naman ng mga tao noong panahon ng Bagong Tipan na itago ang mga alahas o kayamanan nila sa mga simpleng palayok lamang. Sa 2 Corinto, sinasabi ni apostol Pablo na ang mabuting balita tungkol kay Jesus na itinuturing na kayamanan ay taglay ng mga sumasampalataya sa Kanya (4:7). Sinasabi niya na marami mang kapintasan o kahinaan ang mga mananampalataya tulad sa manipis o basag na palayok, ginagamit pa rin sila ng Dios para ipakita ang Kanyang kapangyarihan.
Mas makikita ng iba ang kapangyarihan ng Dios sa atin kapag inayos Niya ang wasak nating buhay na tulad ng basag na palayok. Sa pagbubuo ng Dios sa ating buhay, mas naihahayag sa pamamagitan natin ang Kanyang katangian.