Nais ng guro at manunulat na si Foster Wallace na mabago ang mga maling gawi ng mga estudyante niya pagdating sa pagsusulat. Nag-isip si Foster kung paano sila matutulungan para mas maging mahusay. Pero naitanong niya sa sarili kung pakikinggan ba ng mga estudyante ang isang mayabang at mapagmataas na gurong tulad niya.
Maaaring magbago si Foster at nagbago nga siya. Gayon pa man, hindi siya maaaring maging isa sa kanyang mga estudyante. Hindi tulad ni Jesus na naging taong tulad natin. Ipinakita Niya kung paano magpakumbaba noong magkatawang tao Siya. Naglingkod at nagturo si Jesus at ginawa Niya ang nais ng Dios Ama. Kahit noong nakapako Siya, hiningi Niya ng tawad ang mga umuusig sa Kanya (LUCAS 23:34). At nang naghihingalo na, pinangakuan Niya ng buhay na walang hanggan ang kriminal na nakapakong kasama Niya (TAL. 42-43).
Bakit kaya ginawa iyon ni Jesus? Bakit Niya pinaglingkuran ang mga taong tulad natin hanggang sa huli? Alam ni apostol Juan kung bakit, nagawa iyon ni Jesus dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin. Sinabi ni Juan, “Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig; ibinigay ni Jesu-Cristo ang Kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid” (1 JUAN 3:16 ASD).
Ipinakita ni Jesus na kayang tanggalin ng Kanyang pag-ibig ang ating pagmamataas. At ginawa Niya iyon sa napakadakilang paraan, ibinigay Niya ang Kanyang buhay.