Noong unang beses akong sumakay sa roller coaster na isang sasakyan sa perya, takot na takot ako. Kasama ko noon ang mga kapatid ko. Nang paliko na ang roller coaster at lalong bumilis ang takbo, pinapahinto ko na ito dahil gusto ko nang bumaba. Pero hindi ito huminto. Nilabanan ko na lang ang aking takot at humawak na lang ng mabuti hanggang sa huminto ito.
May mga ganoong pangyayari rin sa ating buhay. Sa tuwing nakakaranas tayo ng mga hindi inaasahang pagsubok, pinapaalalahanan tayo ng Biblia na ang pinakamagandang gawin ay ang magtiwala sa Dios. Inalala naman ni propeta Isaias ang pangako ng Dios nang malaman nilang sasakupin ang kanilang bansa. Sa tulong ng Banal na Espiritu, alam ni Isaias na binibigyan ng Dios “ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa [Kanya’y] nagtitiwala” (ISAIAS 26:3 MBB).
Ang kapayapaan na “hindi kayang maunawaan ng tao” (FILIPOS 4:7 MBB) ang ibibigay sa atin ni Jesus kapag tayo’y nagtiwala sa Kanya. Hindi ko makakalimutan ang sinabi ng isang babaeng may malubhang sakit nang gabing ipanalangin siya ng mga nagtitiwala kay Jesus. Sabi niya, “Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin, pero alam kong magiging maayos ako dahil kasama natin ang Dios ngayong gabing ito.”
Daranas tayo ng mga pagsubok, pero tandaan nating mahal tayo ni Jesus at mas higit Siya sa lahat ng ating mga pagsubok.