Nang minsang nagsasanay ako para sa sasalihan kong paligsahan, pakiramdam ko’y bumagsak ako sa isang pagsusulit. Kalahati kasi ng dapat kong takbuhin ay nilakad ko lang at may pagkakakataon pa na umupo lang ako.
Napanghinaan man ako ng loob, naisip ko na hindi naman ito ang layunin ng pagsasanay. Hindi ito isang pagsusulit na kailangang ipasa at hindi rin kailangang makakuha ng mataas na marka. Sa halip, kailangan ko lang itong pagdaanan para mas madagdagan ang katatagan ko.
Marahil, nanghihina rin ang inyong loob kapag may pinagdaraanan kayong pagsubok. Pero hinahayaan ng Dios na dumaan tayo sa mga pagsubok para mas tumatag ang ating pananampalataya. Sa mga panahong ito, tinuturuan tayo ng Dios na magtiwala sa Kanya at nililinis Niya tayo upang tayo’y maging banal tulad ni Cristo.
Hindi kataka-taka na nagpuri sa Dios ang sumulat ng Awit 66 sa pagdadalisay ng Dios sa mga Israelita sa pamamagitan ng apoy at tubig noong dumaranas ang mga ito ng matinding pagsubok (TAL. 10-12). Hindi lang sila basta pinangalagaan ng Dios, pinalaya rin sila sa pagkaalipin at dinala sa isang masaganang lupain. Tinulungan rin sila ng Dios na maging matuwid sa mga panahong iyon.
Sa mga pagsubok naman na pinagdaraanan natin, tandaan natin na maaari tayong magtiwala sa Dios. Humingi tayo ng tulong sa Dios upang bigyan tayo ng kalakasan at katatagan. Ginagawa tayong dalisay ng Dios sa mga panahon ng matitinding pagsubok.