Inalagaan ko ang aking ina nang magka-kanser siya. Kahit hirap na hirap siya sa kalagayan niya, nagbabasa pa rin siya ng Biblia at nananalangin para sa iba.
Lagi siyang naglalaan ng oras para sa Dios. Ipinapakita niya ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging mabuti, pagpapalakas ng loob at pananalangin para sa iba. Makikita rin sa kanya na sa Dios lamang siya lubos na umaasa. Sa pamamagitan ng kanyang mga ginagawa, parang naaaninag sa kanyang mukha ang kagandahang loob ng Dios. Patuloy niyang ibinahagi ang pag-ibig ni Cristo hanggang sa bawian na siya ng buhay.
Bumaba naman si Moises sa Bundok ng Sinai pagkatapos niyang makipag-usap sa Dios sa loob ng 40 araw at 40 gabi (EXODO 34:28). Hindi niya namalayan na nagniningning ang kanyang mukha dahil sa pakikipag-usap sa Dios pero alam ng mga Israelita na nakipag-usap siya sa Dios dahil sa nangyari sa kanyang mukha (TAL. 29-32). Patuloy siyang nakipagtagpo sa Dios at naging mabuting halimbawa sa mga tao (TAL. 33-35).
Hindi man magningning ang ating mga mukha katulad nang kay Moises, ang pagbabagong ginagawa sa atin ng Dios ay maipapakita pa rin natin sa iba. Sa pamamagitan ng paglalaan ng oras sa Dios at pagsuko ng buhay sa Kanya, mas makikita ang kagandahang loob at pag-ibig ng Dios sa buhay natin.