Dahil sa magkakalayo ang lugar sa Australia at madaling maaksidente ang mga nagmamaneho kapag pagod na, nagtayo sila ng mga lugar kung saan puwedeng magpahinga. Itinayo nila ito sa mga kalsadang madalas daanan ng mga sasakyan. At sa mga pahingahang iyon, nagbibigay sila ng libreng kape.
Nang minsang magbiyahe kami ng asawa ko, huminto muna kami sa isa sa mga pahingahan. Humingi ako ng dalawang kape. Nagulat na lang ako nang singilin ako ng babae para sa isang kape. Sinabi niya na ang para sa nagmamaneho lang ang libre at kailangang bayaran ang para sa iba. Dahil sa inis, nagreklamo ako sa babae bago ako magbayad. Nang nasa sasakyan na, sinabi sa akin ng asawa ko ang aking pagkakamali. Sa halip daw na magpasalamat ako sa babae para sa libreng kape, inisip ko raw masyado na karapat-dapat ako sa kagandahang-loob nila. Tama naman ang asawa ko.
Nang pangunahan naman ni Moises ang mga Israelita papunta sa lupaing ipinangako ng Dios, sinabi niya sa kanila na maging mapagpasalamat sa Dios (DEUTERONOMIO 8:10). Dahil sa biyaya ng Dios, masagana ang lupain pero iniisip ng mga Israelita na karapat-dapat nilang tanggapin ang kasaganaang iyon (TAL. 17-18).
Bumalik ako sa babae at humingi ng tawad. Hindi naman talaga ako karapat-dapat na tumanggap ng libreng kape. Dapat ko iyong ipagpasalamat.