Nag-aral ng medisina si Thomas Barnado noong 1865 dahil pangarap niyang maging isang misyonerong doktor sa Tsina. Nagbago ito nang matuklasan niya na marami palang bata sa kanilang lugar sa London ang walang tirahan at namamatay na lang sa kalye. Dahil doon, nagsikap siyang magtayo ng mga matitirhan ng mga bata. Naligtas niya ang humigit kumulang na 60,000 mga bata mula sa kahirapan at maagang kamatayan. Kinilala si Thomas sa kanyang lubos na pagmamalasakit sa mga bata.
May malasakit din si Jesus sa mga bata. Sinabi Niya, “Hayaan ninyong lumapit sa Akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit” (MATEO 19:14 MBB). Marahil, nagulat ang mga tao at ang mga alagad ni Jesus sa sinabi Niya. Noong mga panahon kasing iyon, hindi masyadong pinapahalagahan ang mga bata. Pero sila’y pinahalagahan, tinanggap at pinagpala ni Jesus.
Sinabihan naman ni Santiago ang mga nagtitiwala kay Jesus, “Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila…sa kanilang kahirapan” (SANTIAGO 1:27 MBB). Hanggang ngayon, marami pa ring bata sa iba’t ibang dako ng mundo ang nasa panganib dahil sa pang-aabuso atbp. Paano natin mapaparangalan ang Dios sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamalasakit sa mga batang pinapahalagahan Niya?