Inalok ang asawa ng kaibigan ko ng trabaho na mas mataas ang posisyon sa ibang bansa. Dahil doon, kailangan nilang lumipat ng tirahan. Hindi nila ito tinanggap dahil natakot ang kaibigan ko na iwan ang kanilang bansa. Ang kanyang pangamba sa malaking pagbabagong haharapin nila ang pumigil sa kaibigan ko. Minsan, napapaisip siya kung anong mga magagandang bagay sa ibang bansa ang hindi na nila mararanasan dahil sa pagtanggi niyang lumipat.
Takot din ang pumigil sa mga Israelita sa kanilang pagpasok sa masaganang lupain (EXODO 33:3). Nagsimula silang matakot nang mabalitaan nila na mga malalaking tao ang naninirahan doon (BILANG 13:28). Dahil doon, umayaw ang karamihan sa kanila na pumasok sa lupain.
Hinikayat naman nina Josue at Caleb ang mga Israelita na magtiwala sa Dios. Sinabi nila, “Ang Panginoon ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila” (TAL. 9). Kahit pa malalaki ang mga tao roon, maaari silang magtiwala na kasama nila ang Dios.
Dahil sa pinangunahan ng takot ang kaibigan ko, malaking oportunidad ang nawala sa kanila na labis niyang pinagsisihan. Ikaw ba’y humaharap din sa isang nakakatakot na sitwasyon? Tandaan mo na kasama mo ang Dios at gagabayan ka Niya. Sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal, gawin natin ang mga dapat gawin nang may pananampalataya.