Bawat isa sa atin ay natatanging likha ng Dios. Ang Dios ang pinagmulan ng ating mga talento. Hindi natin ito pinaghirapan. Pinag-isipan Niyang mabuti nang may pagmamahal kung paano Niya lilikhain ang bawat isa sa atin.
Nilikha ng Dios ang inyong katawan, isip at kaluluwa. Pero hindi roon natatapos ang lahat, nais Niya na magpatuloy kayong lumago. Sinasabi sa aklat ng Filipos, “Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan Niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus” (1:6 ASD). Ginagawa ng Dios na kayo’y mas maging malakas ang loob, matatag, banal, payapa at mapagmahal. Tinutulungan Niya rin kayo na mabawasan ang inyong pagiging makasarili.
Ayon sa Awit 100, walang hanggan ang pag-ibig ng Dios at ang Kanyang katapatan ay magpakailanman (TAL. 5). Tunay ngang walang hanggan ang pagmamahal ng Dios sa inyo at mananatili Siyang tapat magpakailanman.
Mahal kayo ng Dios magpakailanman at hindi Niya kayo susukuan. Dahil doon, “lumapit kayo sa Kanya na umaawit sa tuwa” (AWIT 100:2 ASD). Kung sakaling hindi man kayo marunong umawit, “sumigaw kayong may kagalakan sa Panginoon!” (TAL. 1 ASD).