Hindi naging madali ang panganganak ni Kelly dahil sa mga kumplikasyon. Pero nakalimutan na niya ang naranasan niyang paghihirap nang mahawakan niya ang bagong silang niyang anak. Napalitan ng tuwa ang kanyang paghihirap.
Pinatotohanan ito sa Biblia, “Kapag manganganak na ang isang babae, siya'y nalulungkot sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagka-panganak niya, nakakalimutan na niya ang kanyang paghihirap; sapagkat nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan” (JUAN 16:21 MBB). Ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito para bigyang diin ang kalungkutang mararanasan ng mga alagad Niya kapag namatay Siya. Mapapalitan naman ito ng kagalakan kapag nakita nilang muli si Jesus (TAL. 20-22).
Nang mabuhay muli si Jesus, nanatili pa Siya rito ng 40 araw bago Siya umakyat sa langit. Inilaan ni Jesus ang mga araw na iyon sa pagtuturo sa mga alagad Niya na lubos nilang ikinatuwa (GAWA 1:3). Pero dahil iiwan ulit sila ni Jesus, tiniyak Niyang hindi sila lubos na malulungkot. Isusugo Niya ang Banal na Espiritu na hahalili sa Kanya at magbibigay sa kanila ng kagalakan (JUAN. 16:7; GAWA 13:52).
Darating ang araw, makikita natin si Jesus kung tunay tayong nagtitiwala sa Kanya. Sa araw na iyon, makakalimutan na natin ang mga kalungkutang naranasan natin. Pero sa ngayon, hindi tayo lubos na malulungkot dahil ibinigay Niya sa atin ang Banal na Espiritu (ROMA 15:13; 1 PED. 1:8-9).