Minsan, may nangaral sa lamay ng isang sundalo. Nagbigay siya ng mga haka-haka kung saan mapupunta ang kaluluwa ng sundalo. Naisip ko tuloy, nasayang ang pagkakataon na maipahayag kung paano maliligtas ang tao mula sa kaparusahan sa kasalanan. Paano pa kikilos ang Dios kung hindi totoo ang mga naipangaral niya?
Buti na lang, ipinaawit ang “Dakila Ka”. Nagsimulang magpuri nang buong puso ang mga tao. Hindi ko inaasahan na maaantig din ang damdamin ko lalo na sa bahaging ito ng kanta:
Hindi natin mauunawaang tunay, Dakila Niyang pag-ibig sa atin; Doon sa krus, si Kristo’y nabayubay, Upang katubusa’y ating kamtin.
Naisip ko kung kikilos pa rin ba ang Dios noon kahit na hindi ipinaawit ang kanta. Alam ko naman na laging nariyan ang Dios at lagi Siyang kumikilos. Sa aklat ng Ester, mababasa natin na bihag noon ang mga Judio sa ibang bansa at nais silang patayin ng marami. Pero sa kabila nito, isang hari ang nagbigay sa kanila ng karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili (ESTER 8:11-13). Nagtagumpay sila at nagdiwang (9:17-19). Hindi inaasahan na gagamitin noon ng Dios ang haring iyon na hindi nagtitiwala sa Kanya.
Huwag tayong magtaka kung kikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng awit sa isang lamay. Nagawa Niya ngang iligtas ang mga Judio mula sa napipintong pagpatay. Ang malagim Niyang pagkapako sa krus ay nagbigay naman ng kaligtasan sa mga magtitiwala sa Kanya.