Minsan, habang naglalakad sa isang kagubatan sa Inglatera, namitas kami ng mga prutas. Nasarapan ako sa mga pinitas namin. Itinanim ito ng iba, maraming taon na siguro ang nakakalipas. Dahil doon, naalala ko ang sinabi ni Jesus sa mga alagad Niya, “Sinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim” (JUAN 4:38 ASD).
Natutuwa ako sa prinsipyong ito ni Jesus. Pinapahintulutan Niya na anihin ng sinuman ang hindi niya itinanim. Halimbawa, nagtiwala kay Jesus ang kaibigan mo nang ibahagi mo sa kanya ang mabuting balita ng kaligtasan. Pero lingid sa iyong kaalaman, matagal na pala siyang ipinapanalangin ng mga kapamilya niya na sana’y magtiwala siya kay Jesus. Ganoon din naman, kapag tayo ang unang nagtanim o nagbahagi ng Salita ng Dios, may pagkakataong ang iba naman ang aani. Ibig sabihin, nagtiwala ang taong binahaginan mo ng Salita ng Dios sa panahong iba na ang nagbahagi sa kanya. Kaya hindi tayo dapat masyadong nakatuon sa magiging bunga ng ating pagbabahagi ng pagliligtas ni Jesus. Sa halip, gawin na lang natin ang ating tungkulin at hayaan na ang Dios ang kumilos sa puso ng taong binahaginan natin. Ibibigay rin sa atin ng Dios ang ating mga kailangan sa paggawa ng ating tungkulin. Isa itong pribilehiyo para sa atin.
Ano kayang mga bukid ang nakahanda nang anihin para sa ating mga nagtitiwala kay Jesus? Nawa’y masunod natin ang sinabi ni Jesus, “masdan ninyo ang inyong paligid at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin” (TAL. 35).