Noong bata pa ako, niyaya ko ang kaibigan ko na magpunta sa isang tindahan ng regalo. Nagulat ako nang bigla siyang naglagay ng mga krayola sa bulsa ko at hinatak niya ako palabas nang hindi nagbabayad. Isang linggo pa ang nakaraan bago ko sabihin sa nanay ko ang aking nagawa. Labis akong nabagabag sa loob ng isang linggong iyon. Napaiyak ako habang ipinagtatapat ko ito sa kanya.
Dahil sa pagsisisi, isinauli ko ang mga krayola sa tindahan at humingi ako ng tawad sa may-ari. Nangako rin akong hindi ko na ito uulitin pero sinabi niya na huwag na raw akong babalik doon kahit kailan. Ganoon man ang reaksyon ng may-ari, nakatulog na ako nang maayos dahil pinatawad na ako ng aking ina.
Nagkasala rin si Haring David sa Dios. Matagal niyang itinago ang kasalanang nagawa niya (2 SAMUEL 11-12) hanggang sa “nanghina ang kanyang katawan” (AWIT 32:3-4). Pero nang ipinagtapat na niya sa Dios ang kanyang kasalanan, pinatawad siya ng Dios (TAL. 5). Iningatan siya ng Dios mula sa kaguluhan at pinalibutan ng mga awit ng kaligtasan (TAL. 7). Nagalak si David dahil sa tapat na pagmamahal ng Dios sa mga nagtitiwala sa Kanya (TAL. 10).
Hindi natin kontrolado ang kahihinatnan ng ating kasalanan maging ang reaksyon ng mga tao kapag ipinagtapat natin ito sa kanila at humingi ng tawad. Pero mabuti ang Dios dahil bibigyan Niya tayo ng kapayapaan kapag ipinagtapat natin ang ating kasalanan. Binibigyan Niya rin tayo ng katiyakan na pinatawad na ang ating kasalanan.