Hinikayat ako noon ng pamangkin ko na laruin ang Pokemon Go. Isa itong laro gamit ang cellphone kung saan kailangang makahanap ng mga pokemon. Mas madaling makahuli ng mga pokemon kapag may ginagamit na pangpain ang naglalaro.
Kung ang mga pokemon ay madaling kumagat sa pain, ang mga tao naman ay madaling mahulog sa tukso. Ipinaalala ni Santiago sa kanyang sulat na makikita sa Bagong Tipan na ang mga sumasampalataya kay Jesus ay “naaakit at nagpapatangay sa [kanilang] sariling nasa” (SANTIAGO 1:14 MBB). Ibig sabihin, ang ating mga pagnanasa ang nag-uudyok sa atin para matuksong gawin ang mali. Minsan, sinisisi natin ang Dios o kahit si Satanas kapag natutukso tayo. Pero ang totoo, ang sarili nating pagnanasa ang nag-uudyok sa atin upang mahulog sa tukso.
Buti na lang at hindi tayo hinahayaan ng Dios na basta na lang mahulog sa tukso. Maaari nating maiwasang magpatangay sa tukso sa pamamagitan ng pananalangin. Hilingin natin sa Dios na tulungan tayong mapagtagumpayan ang tukso. Kahit na “ang Dios ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman Niya tinutukso ang kahit sino” (TAL. 13 MBB), naiintindihan ng Dios na likas sa ating mga tao ang pagnanais na gumawa ng mali. Humingi tayo sa Dios ng karunungan na siya namang ipinangako Niyang ibibigay sa atin (1:1-6).