Ikinukuwento ko lagi ang isang pangyayari noong bata pa kami ng kapatid ko. Sa pagkakaalala ko, pinarada ng kapatid ko ang aming bisikleta kung saan may ahas. Naipit sa gulong ang ahas kaya hindi ito makaalis.
Nang mabasa ko naman ang sulat ng aking ina kung saan ikinuwento niya ang nangyari, nadiskubre ko na ako pala ang nagparada sa bisikleta. Nalaman namin ang tunay na nangyari sa pamamagitan ng kuwento ng aking ina na nasaksihan niya.
Nauunawaan naman ni Lucas na mahalaga ang talaan ng tamang impormasyon. Ipinaliwanag niya na nakarating sa kanila ang tungkol kay Jesus nang isalaysay ito ng mga tagapangaral ng salita ng Dios na nakasaksi sa mga pangyayari mula pa noong una (LUCAS 1:2). Sinabi ni Lucas na pagkatapos niya itong suriing mabuti, sumulat siya ng isang maayos na salaysay para lubusang matiyak ni Teofilo na totoo ang mga aral na itinuro kay Teofilo (TAL. 3-4). Makikita ito sa aklat ng Lucas. Sa panimula naman ng aklat ng Mga Gawa na isinulat din ni Lucas, sinabi niya na nagpakita si Jesus sa Kanyang mga alagad at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan Niya na muli Siyang nabuhay (1:3).
Hindi nakabatay sa haka-haka lamang ang pinaniniwalaan natin. Batay ito sa tunay na pangyayari sa buhay ni Jesus na masusing itinala. Ayon sa mga nakasulat, naparito si Jesus upang ayusin ang ating nasirang relasyon sa Dios.