Tuwing tagsibol at tag-init namumunga ang puno ng ubas ng aming kapitbahay. Natutuwa akong pagmasdan ang mga malalaking bunga nito.
Kahit hindi kami tumutulong sa pag-aalaga ng kanilang puno, ibinabahagi nila sa amin ang kanilang ani. Sila ang nangangalaga rito pero hinahayaan nila kami na makinabang sa mga ubas.
Dahil sa mga bungang iyon, naalala ko ang mga bunga na maaaring magbigay sa akin ng pakinabang at sa mga taong inilalagay ng Dios sa buhay ko. Iyon ang bunga ng Espiritu.
Hinihikayat ang mga nagtitiwala kay Jesus na mamuhay nang ayon sa nais ng Banal na Espiritu. May matatanggap din na pakinabang dito (GALACIA 5:16-21). Ang Banal na Espiritu ang magbibigay sa atin ng kakayahan na mamuhay nang may pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, kahinahunan at pagpipigil sa sarili (TAL. 22-23).
Sa oras na isuko natin ang buhay natin sa Panginoong Jesus, hindi na tayo pangungunahan ng makasarili nating pagnanasa (TAL. 24). Ang Banal na Espiritu ang unti-unting nagbabago sa ating pag-iisip, pag-uugali at mga kilos. Sa patuloy na paglago ng ating pananampalataya, magagalak tayo kapag maipapakita natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa.