Nang buksan ko minsan ang dishwasher na isang makina na naglilinis ng mga kasangkapan tulad ng plato, baso at iba pa, nagtaka ako kung bakit marumi pa rin ang mga gamit na nasa loob nito. Hindi ko alam kung ano ang naging problema kung bakit puro alikabok pa rin ang mga kasangkapan ko.
Ang paglilinis naman ng Dios ay hindi tulad ng sira naming dishwasher. Kapag nililinis Niya tayo, tinatanggal Niya ang lahat ng ating karumihan. Mababasa natin sa aklat ng Ezekiel na tinatawag ng Dios ang mga Israelita para manumbalik sa Kanya. Isinulat ni Ezekiel ang tungkol sa pagmamahal at pagpapatawad ng Dios sa kanila. Nagkasala ang mga Israelita sa Dios dahil sumamba sila sa mga dios-diosan. Sa kabila ng kanilang mabigat na pagkakasala, kinahabagan pa rin sila ng Dios at tinanggap Niya silang muli. Ipinangako Niya na wiwisikan sila ng malinis na tubig para maging malinis sila sa lahat ng kanilang karumihan (36:25). Ibibigay Niya rin sa kanila ang Espiritu (TAL. 27). Tutulungan din sila ng Dios na magbunga ang kanilang mga pananim upang hindi na sila magutom (TAL. 30).
Tulad noong panahon ni propeta Ezekiel, tatanggapin din tayo ng Dios kung sakali mang maligaw tayo ng landas. Kapag nagpapasakop tayo sa Dios at kumikilos nang ayon sa nais Niya, binabago Niya tayo at nililinis sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na sumasaatin, masusunod natin Siya sa araw araw.