Nakapunta ako sa isang napakagandang lugar sa Australia, ang Lord Howe. Para itong maliit na paraiso dahil sa puting buhangin at napakalinaw na tubig. Maaaring lumangoy doon kasama ang mga pagong, isda, atbp. habang tanaw ang kalangitan. Ang labis na paghanga ko sa lugar na iyon ang nag-udyok sa akin para sambahin ang Dios.
Ayon sa isinulat ni apostol Pablo, ang mga nilikha ng Dios ang nagpapahayag ng Kanyang mga katangian (ROMA 1:20). Ang lugar na iyon ay tunay ngang nagpapahayag sa akin ng kapangyarihan at kagandahan ng Dios.
Humanga rin si propeta Ezekiel nang makita Niya ang Dios. Ayon sa kanya, nakaupo ang Dios sa asul na trono at napapalibutan ng maningning na bahaghari (EZEKIEL 1:25-28). Parang ganoon din ang nakita ni apostol Juan. Nakita Niya ang Dios na nagniningning tulad ng mamahaling bato at napapaikutan ng bahagharing kakulay ng batong esmeralda (PAHAYAG 4:2-3). Kapag inihahayag ng Dios ang Kanyang sarili, hindi Niya lang basta ipinapakita ang Kanyang kabutihan at kapangyarihan, ipinakita Niya rin ang kanyang kaningningan. Ang mga nilikha ng Dios ang naghahayag ng Kanyang kagandahan.
Minsan, ang mga nilikha ang sinasamba natin sa halip na ang Dios na Manlilikha (ROMA 1:25). Isa itong kamangmangan. Kapag pinagmamasdan natin ang magagandang nilikha ng Dios, alalahanin nawa natin ang Manlilikha na higit na maganda at makapangyarihan sa anumang nilikha dito sa mundo.