“May ginagawa bang bago ang Dios sa buhay mo?” Iyan ang tanong sa amin sa isang pagtitipong dinaluhan ko. Ang kaibigan kong si Mindy ang sumagot. Sinabi niya na kailangan niyang habaan ang kanyang pasensya sa mga tumatanda niyang magulang, maging matatag para sa may sakit niyang asawa at maging maunawain sa mga anak at apo niyang hindi pa nagtitiwala kay Jesus. Hindi namin inaasahan ang susunod niyang sinabi, “Naniniwala ako na ang bagong ginagawa ng Dios sa buhay ko ay ang pagbibigay Niya sa akin ng kakayahan at pagkakataon na mas mahalin ang aking kapwa.”
Ang sagot niya ay halos katulad ng panalangin ni Pablo para sa mga tagaTesalonica: “Nawa'y pasaganain at pag-umapawin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo” (1 TESALONICA 3:12 MBB). Tinuruan din ni Pablo ang mga taga-Tesalonica tungkol kay Jesus pero kinailangan niyang iwan agad sila dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari (GAWA 17:1-9). Sa sulat ni Pablo, muli niyang pinalakas ang loob ng mga taga-Tesalonica at pinayuhang maging matatag sa kanilang pananampalataya (1 TESALONICA 3:7-8). Pinanalangin din niya na dagdagan nawa ng Dios ang pagmamahal nila para sa iba.
Sa tuwing dumaranas naman tayo ng mga problema, madalas tayong nagrereklamo o nagtatanong sa Dios ng “Bakit?” o “Bakit ako?”. Sa halip na ito ang gawin natin, idalangin natin sa Dios na dagdagan Niya ang pagmamahal sa ating mga puso at gamitin ang pagkakataong ito para mahalin ang ating kapwa.