Dahil sakitin na ako, nagsusulat na lamang ako ng mga babasahin bilang paraan ko ng paglilingkod at pagsamba sa Dios. Minsan, may nagsabi sa akin na wala siyang natutunan sa mga isinulat ko. Pinanghinaan ako ng loob sa sinabi niya. Naisip ko tuloy na parang walang halaga ang munting pagsusulat na ginagawa ko para sa Dios.
Sa tulong ng pananalangin, pag-aaral ng Biblia, at mga payo ng aking mga kapamilya at kaibigan, natuklasan ko ang isang bagay. Ang Dios lang at hindi ang ibang tao ang tunay na nakakaalam ng ating motibo at halaga ng ating paglilingkod sa Kanya. Humingi rin ako ng tulong sa Dios upang lalo kong mapagbuti ang aking mga kakayahan at maibahagi rin sa iba ang mga bagay na ibinigay Niya sa akin.
Iba ang pananaw ni Jesus sa pananaw natin tungkol sa pagbibigay (MARCOS 12:41-44). Sa isang kuwento sa Bagong Tipan, may mga mayayaman na nagbigay ng malaking halaga sa Templo. Samantala, isang mahirap na biyuda ang nakapagbigay lang ng dalawang pirasong barya. Para kay Jesus, ang ibinigay ng biyuda ang mas higit kaysa sa ibinigay ng mga mayayaman, kahit sa tingin ng marami ay wala itong halaga.
Ang bawat uri ng pagbibigay ay maaaring maging paraan ng pagsamba at paglilingkod sa Dios. Katulad ng ginawa ng biyuda, napapapurihan natin ang Dios kapag taos puso nating ibinibigay ang mga bagay na ipinagkaloob Niya sa atin. Sa tuwing ibinibigay natin sa Dios ang pinakamahalagang bagay para sa atin, nagsisilbi itong pagsamba na walang katumbas.