Minsan, naglalakad ang grupo namin sa tabing-ilog. Nagtanong ang kasama naming bata na si Allan kung may ahas ba roon. Sinabi ko sa kanya, “Wala pa kaming nakikitang ahas dito noon. Pero baka makakakita tayo ngayon kaya hilingin natin sa Dios na ingatan tayo.” Nanalangin kami at pagkatapos ay nagpatuloy na sa paglalakad.
Ilang minuto lang, biglang napaatras ang asawa ko. Nakakita kasi siya ng isang makamandag na ahas. Nasa daraanan namin ito kaya hinintay muna namin itong makaalis. Nagpasalamat kami sa Dios dahil iniligtas niya kami sa panganib. Naniniwala ako na ginamit na paraan ng Dios ang pagtatanong ni Allan tungkol sa ahas para ihanda kami sa mangyayari.
Matapos naming makaligtas sa panganib, naalala ko ang sinabi ni Haring David, “Magtiwala kayo sa Panginoon at sa Kanyang kalakasan. Palagi kayong dumulog sa Kanya.” (1 CRONICA 16:11). Nagsilbing paalala ang talatang ito sa mga Israelita sa kabutihan at katapatan ng Dios sa kanila. Pinapaalalahanan ang mga Israelita na palaging magpuri at manalangin sa Dios (TAL. 35).
Ano ang ibig sabihin ng palaging dumulog sa Dios? Nangangahulugan ito na ituon natin sa Dios ang ating puso at lumapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon. Minsan, iba ang sagot ng Dios sa mga panalangin natin, pero makakaasa tayo na mananatili Siyang tapat. Gagabayan tayo ng ating Mabuting Pastol at patuloy na ipaparanas ang Kanyang kahabagan, pagmamahal at kalakasan. Nawa’y lagi tayong magtiwala sa Kanya.