Noong kabataan pa ako, kapag may mga mahahalaga akong desisyon na kailangang gawin o problema na dapat harapin, isinusulat ko iyon sa isang papel. Itinuro ito sa akin ng aking ina noon. Isinusulat ko sa papel ang mga hakbang na maaari kong gawin at ang mga magiging resulta ng mga iyon. Matapos kong maisulat ang lahat ng saloobin ko, mas nakakapag-isip at nakakagawa ako ng higit na maayos na desisyon.
Nakatulong sa aking pagdedesisyon ang pagsusulat ko ng mga saloobin sa isang papel para makapag-isip ng maayos. Kapag ibubuhos naman natin ang ating saloobin sa Dios sa panalangin, mas mauunawaan natin kung ano talaga ang nais ng Dios para sa atin. Mas maaalala rin natin na Siya ang may kakayahang tumulong sa atin. Mababasa naman natin sa Biblia ang tungkol kay Haring Ezequias na nakatanggap ng sulat mula sa kanilang mga kaaway. Nakasaad sa sulat na nais lusubin at wasakin ng mga taga-Asiria ang lungsod ng Jerusalem. Nang mabasa ni Haring Ezequias ang sulat, taimtim siyang nanalangin sa Dios na sila nawa’y iligtas sa kapahamakan upang malaman din ng ibang mga bansa na ang Dios lamang ang kaisa-isang Dios (2 HARI 19:19).
Sa tuwing daranas tayo ng mga pagsubok, tularan nawa natin si Haring Ezequias na agad na nanalangin sa Dios. Ilagak natin sa Panginoon ang ating mga problema at magtiwalang tutulungan at gagabayan Niya tayo.