Nagpapastor sa mga pulis at sa mga bumbero si John Babler. Nang magbakasyon siya sa kanyang trabaho, sumali siya sa pagsasanay at pag-aaral ng mga nais maging pulis. Sumali siya para mas maunawaan niya ang pinagdadaanan ng mga pulis. Naranasan ni Babler ang matinding pagsasanay ng mga nais magpulis kaya naman lalo niyang nirerespeto ang kanilang trabaho. Sa pangyayaring iyon, inaasahan ni Babler na mas maging epektibo ang pagpapayo niya sa mga pulis at bumbero dahil hindi biro ang dinaranas nilang hirap sa kanilang tungkulin.
Nauunawaan naman ng Dios ang iba’t ibang sitwasyon sa ating buhay. Nalalaman Niya ang lahat ng nangyayari sa atin. Naiintindihan din Niya ang mga nararamdaman natin dahil Siya mismo ay nagkatawang tao upang maranasan ang buhay sa mundo. Siya ay “naging tao at nanirahan sa piling [natin]” bilang si Jesu-Cristo (JUAN 1:14 MBB).
Dumanas si Jesus ng paghihirap at pagsubok nang manirahan Siya dito sa mundo. Naranasan Niya ang mapagpawisan dahil sa matinding init, ang magutom at walang maayos na matulugan. Naranasan din Niya ang ipagkanulo at malagay ang buhay sa panganib.
Pero hindi lang naman puro paghihirap ang naranasan ni Jesus. Naranasan Niya ang kasiyahan ng pagkakaroon ng mga kaibigan at ang pagmamahal ng Kanyang pamilya. Kaya naman, lubos Niya tayong nauunawaan at makapagbibigay Siya sa atin ng pag-asa. Siya ang kamangha-manghang Tagapayo na nakikinig sa lahat ng ating mga hinaing (ISAIAS 9:6). Masasabi ni Jesus sa atin, “Nauunawaan kita dahil naranasan Ko ang lahat ng iyan.”