Minsan, napagsalitaan ko ng hindi maganda ang aking asawa. Hindi kasi nasunod ang gusto kong mangyari. Binalewala ko noon ang pagpapaalala sa akin ng Banal na Espiritu ng mga talata sa Biblia na nagpapakita ng mali kong pag-uugali. Makakabuti ba sa aming pagsasama ang pagmamataas ko at ang pagsuway ko sa Dios? Hinding hindi. Kahit humingi ako ng tawad sa Dios at sa aking asawa, ang pangyayaring iyon ay nag-iwan ng pilat sa aking pagkatao. Epekto ito ng hindi ko pagpansin sa Salita ng Dios at sa kinilos ko na para bang wala akong pananagutan sa iba.
Mababasa sa Biblia na may panahon na naging masuwayin sa Dios ang mga Israelita. Si Josue ang namuno sa kanila matapos mamatay ang pinuno nilang si Moises. Naging matapat at masunurin sa Dios ang mga Israelita sa pamumuno ni Josue (HUKOM 2:7). Pero nang mamatay si Josue, nalimutan na ng mga Israelita ang ginawa ng Dios para sa kanila (TAL. 10). Naging matigas ang kanilang ulo at sumuway sila sa Dios (TAL. 11-15).
Naging maayos muli ang kanilang bansa nang magtalaga ang Dios ng mga hukom (TAL. 16-18) para mamuno sa kanila tulad ng mga hari. Pero bumabalik ang mga Israelita sa masasama nilang gawi sa tuwing namamatay ang hukom na itinalaga ng Dios. Namumuhay sila na parang wala silang pananagutan sa iba. Pinarusahan sila ng Dios dahil sa kanilang mga pagsuway (T. 19-22). Hindi tayo dapat maging katulad nila. Dahil si Jesus ang Hari ng mga Hari at matuwid na Hukom, dapat tayong sumunod sa Kanya.