Nang bumili ako ng cellphone sa ibang bansa, hiningan ako ng mga impormasyong karaniwang hinihingi tulad ng pangalan, nasyonalidad, at tirahan. Nagulat naman ako nang hingin din ang pangalan ng aking ama. Napaisip tuloy ako kung bakit importanteng malaman nila kung sino ang aking ama dahil sa kultura nami’y hindi naman ito importante. Pero sa kultura ng bansang iyon, mahalagang malaman ang pangalan ng ama ng isang tao. Mas magiging buo raw kasi ang pagkakakilanlan ng isang tao kapag nalaman kung saang lahi o angkan siya nagmula.
Mahalaga rin sa kultura ng mga Israelita na malaman ang lahi o angkan na pinagmulan nila. Ipinagmamalaki nila na mula sila sa lahi ni Abraham. Akala nila na kapag kabilang sila sa lahi ni Abraham, maituturing na rin silang mga anak ng Dios. Pero nagkakamali sila. Magkaiba ang pagiging bahagi ng isang lahing pinagmulan at pagiging anak ng Dios.
Mababasa sa Biblia na ipinaliwanag ni Jesus sa mga Judio na ang pagiging anak ng Dios ay hindi sa pamamagitan ng lahing pinagmulan. Kahit si Abraham pa ang ninuno nila pero hindi naman nila kinikilala si Jesus na siyang isinugo ng Dios, hindi sila maaaring maging anak ng Dios.
Sa panahon natin ngayon, hindi rin natin mapipili ang ating magiging pamilya pero maaari nating piliin na mapabilang sa pamilya ng Dios. Kung magtitiwala tayo kay Jesus, bibigyan tayo ng Dios ng karapatang maging mga anak Niya (JUAN 1:12).
Ang Dios ang iyong Ama sa oras na pagtiwalaan mong si Jesus ang nagbayad ng iyong kasalanan.