Habang naghahapunan kami ng kaibigan ko, ikinuwento niya sa akin na naiinis siya sa isa niyang kapamilya. Hindi niya kasi masabi sa kanyang kapamilya ang mga bagay na kanyang ikinaiinis. Nang subukan namang kausapin ng kaibigan ko ang kanyang kapamilya, sinagot lang siya nito nang pabalang. Hindi raw napigilan ng kaibigan ko na magalit. Nagdulot tuloy ang pangyayaring iyon ng hidwaan sa kanilang pamilya.
May pagkakatulad kami ng aking kaibigan. Hindi ko rin kayang sabihin sa isang tao ang mga bagay na ikinagagalit ko. Pero sa oras na may narinig akong masama sa sinasabi nila, agad na lang sumasabog ang aking galit.
Maaaring ganito rin ang nagagawa ng mga nagtitiwala kay Jesus sa Efeso kaya naman pinayuhan sila ni apostol Pablo, “Magalit kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit” (EFESO 4:26). Ang pagnanais naman na ayusin agad ang mga pagtatalo o hindi pagkakaunawaan ay nagdudulot para maiwasan nating magalit. Sa halip na magturuan kung sino ang mali, humingi tayo ng gabay sa Dios para mapuno ng pagrespeto at pagmamahal ang ating mga sasabihin (EFESO 4:15).
Mayroon ka bang kagalit? Sa halip na kimkimin ang galit, ipagkatiwala ang mga ito sa Dios. Papalitan Niya ng pagpapatawad at pagmamahal ang bawat galit na ating nararamdaman.