May kakaibang paraan ang kilalang tumutugtog ng biyolin na si Joshua Bell para pangunahan ang grupo ng manunugtog. Sinabi ni Bell nang kapanayamin siya sa isang programa sa radyo, “Kahit tumutugtog ako ng biyolin, maayos ko pa ring nagagabayan ang aking grupo sa mga dapat nilang gawin. Nakatuon kasi ang kanilang paningin sa akin at nauunawaan nila ang bawat galaw ko. Alam nila ang ibig sabihin ng pagbabago sa tunog ng biyolin ko at pati ang pagtaas ng aking mga kilay. Alam nila ang tunog na ninanais kong marinig mula sa kanila.”
Tulad ng mga manunugtog na nakatuon ang paningin kay Bell, ipinapaalala naman sa atin ng Biblia na ating ituon ang ating paningin kay Jesus. Sinabi sa Aklat ng Hebreo, “Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya” (12:1-2 MBB).
Sumunod tayo kay Jesus na siyang nangakong, “[Siya’y] laging kasama [natin] hanggang sa katapusan ng panahon” (MATEO 28:20 MBB). Lagi nating kasama ang Panginoong Jesus. Kaya naman, magagabayan Niya tayo kung itutuon natin sa Kanya ang ating paningin.