Madalas naming pinagtatalunang magkakapatid noong mga bata pa kami, ang sukat ng tinapay na ibinibigay sa amin ng aming nanay. Minsan, narinig ng tatay ko ang aming pagtatalo. Kaya sinabi niya sa nanay ko, "Bigyan mo ako ng tinapay na sinlaki ng iyong pagmamahal." Tumahimik kaming lahat at ibinigay ng aking nanay ang pinakamalaking bahagi ng tinapay sa aming tatay.
Maaaring mainggit tayo kung nakatuon ang ating isipan sa mga bagay na pag-aari ng iba. Ipinapaalala naman ng Salita ng Dios sa atin na hindi dapat sa mga bagay dito sa mundo nakatuon ang ating isipan. Sinabi ng sumulat ng Awit sa Biblia, “Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan. Akoʼy nangangakong susundin ang Inyong mga Salita. Buong puso akong nakikiusap sa Inyo na ako ay Inyong kahabagan ayon sa Inyong pangako” (119:57-58 ASD). Ipinaparating ng sumulat ng Awit na walang anumang bagay dito sa mundo ang hihigit sa pagkakaroon ng maayos na relasyon sa Dios.
Wala nang mas hihigit pa sa ating mapagmahal na Dios. Walang makapapantay sa Kanya at walang makapaglalayo sa atin sa piling ng Dios. Makamit man natin ang lahat ng bagay dito sa mundo, maaaring hindi pa rin tayo makuntento sa buhay. Pero kung ang Dios ang pinagmumulan ng ating kagalakan, tiyak na magiging kuntento tayo. Tanging ang Dios lamang ang makakapuno sa mga hinahanap nating kakulangan sa buhay. Ang Dios lamang ang makapagbibigay ng hinahanap nating tunay na kapayapaan at kagalakan.