May dalawang atleta ang umagaw sa atensyon ng marami noong 2016 Rio Olympics sa paligsahan ng pagtakbo. Habang tumatakbo, nagkabanggaan sina Nikki Hamblin at Abbey D’Agostino at parehas silang natumba. Nakatayo agad si Abbey at agad niyang tinulungang makatayo si Nikki. Muling tumakbo ang dalawa pero ilang sandali lang ay biglang nanghina si Abbey dahil sa pilay na natamo niya mula sa pagkatumba. Huminto naman sa pagtakbo si Nikki para siya naman ang tumulong kay Abbey. Isang magandang larawan ng pagtutulungan ang kanilang ipinakita.
Ipinaalala naman sa akin ng pangyayaring iyon ang sinabi sa Biblia, “Mas mabuti ang may kasama kaysa mag-isa; mas marami silang magagawa. Kapag nadapa ang isa sa kanila, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kaya nakakaawa ang taong nag-iisa at nadapa, dahil walang tutulong sa kanya” (MANGANGARAL 4:9-10 ASD). Kailangan natin ang tulong ng bawat isa para magpatuloy sa takbuhin ng buhay. Hindi parang magkakalaban sa isang paligsahan. Sa halip, tulad ng isang koponan na nagtutulungan. May mga pagkakataon na may taong tutulong sa atin sa panahon na nanghihina tayo. Maaari rin na tayo ang makatulong sa iba sa pamamagitan ng pananalangin at pagpapalakas ng loob.
Hindi tayo nilikha ng Dios para mabuhay nang mag-isa. Hinihikayat tayo ng Dios na tulungan ang isa’t isa tulad ng ginawa nila Nikki at Abbey. Magtulungan tayo at sabay nating tapusin nang may pagtitiwala sa Dios ang takbuhin ng buhay.