Isinulat ng mang-aawit na si Robert Hamlet ang awit na, "Lady Who Prays for Me." Isinulat niya iyon para bigyang parangal ang kanyang ina. Ipinapanalangin daw si Robert ng kanyang ina tuwing umaga bago siya sumakay ng bus papuntang paaralan. Matapos namang mapakinggan ng isang ina ang awiting iyon ni Robert, nangako siya na idadalangin din ang kanyang anak. Makabagbag-damdamin ang nangyari ng gawin niya iyon.
Minsan, matapos daw idalangin ng ina ang kanyang anak, sumakay na ito sa bus. Pero makalipas ang limang minuto, bumalik ang anak nito. Kasama ang lahat ng mga bata sa bus. Nagtaka naman ang ina at nagtanong kung ano ang nangyari. Sagot naman ng bata sa kanyang ina, “Hindi po kasi sila idinalangin ng kanilang mga nanay.”
Hinikayat din tayo ni Pablo na “manalangin [tayo] sa lahat ng pagkakataon sa patnubay ng Espiritu” (EFESO 6:18 MBB). Magandang ugaliin sa isang pamilya ang laging manalangin. Natututo ang mga bata na magtiwala sa Panginoon sa nakikita nilang pagtitiwala sa Dios ng kanilang mga magulang (2 TIM. 1:15). Wala ng magandang paraan para maituro sa mga bata ang kahalagahan ng pananalangin kundi ang manalangin lagi na kasama sila. Isa rin itong paraan para maunawaan nila na kailangan nating lumapit sa Dios na may pananampalataya.
Maituturing na regalo sa ating mga anak ang ginagawa nating halimbawa ng tapat na pagtitiwala sa Dios (KAWIKAAN 22:6; 2 TIM. 1:5). Matututunan din nila na lagi nilang kasama ang Dios na patuloy na nagmamahal at gumagabay sa atin.