Nang unang beses matikman ng anak ko ang prutas na lemon, napapikit ang kanyang mga mata at sabay sabing, “Ang asim!” Napangiti ako at kinuha ang lemon sa kanya. Sumigaw ang anak ko, “Huwag po!” Lumapit siya sa akin at sinabi, “Gusto ko pa po!” Inubos niya ito at inabot sa akin ang balat ng lemon.
Inilalarawan naman ng mga gusto ko lang kainin ang nais ko sa buhay. Ayaw ko ng mapapait na pagkain. Gayon din naman sa mga nangyayari sa buhay ko, ang gusto ko lang ay ang matatamis o magagandang pangyayari. May binanggit naman sa Biblia na katulad ko ay magagandang pangyayari lang din sa buhay ang nais niya. Siya ang asawa ni Job.
Hindi masaya si Job sa kanyang pinagdaraanang pagsubok sa buhay. Gayon pa man, pinaparangalan pa rin niya ang Dios sa kanyang kalagayan (JOB 1:1-22). Nang magkaroon siya ng maraming pigsa at sugat sa buong katawan ay tiniis niya ang mga ito (2:7-8). Sinabi naman ng asawa ni Job na talikuran na niya ang Dios (tal. 9). Pero sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Dios at hindi ang masasama?” (TAL. 10 ASD).
Pangkaraniwan lamang ang iwasan ang mga mapapait na pangyayari sa buhay. Minsan nga ay naiisip pa nating sisihin ang Dios sa mga pagsubok natin. Pero ginagamit ng Dios ang mga pagsubok para turuan tayong magtiwala at ialay ang buhay sa Kanya. Kaya naman tulad ni Job, patuloy tayong magtiwala sa Dios sa kabila ng mga pagsubok. Sa gayon, lalong tatatag ang ating pananampalataya sa Dios.